Nag-viral ang performance ni David Licauco sa katatapos lang na Miss Grand Philippines 2023.
Hindi sila natuwa sa walang ka-feelings feelings na pag-serenade niya sa mga kandidata.
Hindi na kami nagulat sa ipinakita ni David.
May nakakarating na rinn sa aming balitang nadismaya sila kapag nakasalang na sa stage ang binansagang Pambansang Ginoo.
Isang kaibigang nasa isang probinsya sa Kabisayaan ang nagkuwento sa aming nagsisi lang daw ang organizers na naimbitahan nila ang Kapuso actor.
Ang laki raw ng ibinayad nila tapos, ‘yun lang daw pala ang ipinakita niya.
Ang dinig namin naglalaro sa P400K hanggang P500K ang ibinabayad kay David kapag personal appearance sa lalawigan.
Kaya inaasahan na mapapasaya at mapapakilig niya ang fans para sulit naman ang ibinayad sa kanya.
Kahit hindi ka naman magaling na singer, dapat napag-isipan o may gagawin kang gimmick para sa ikasisiya ng mga nanonood.
Dapat karerin nila ang performance nila para hindi magsisi ang nag-imbita sa kanila.
Pero ‘yung babayaran ka ng malaki, pagtapos kumakanta ka sa stage na nakapasok pa ang isang kamay sa bulsa, na basta lang mairaos ang performance na ‘yun, madidismaya talaga ang nag-imbita sa iyo. At hindi ka na makakaulit.
Nasaksihan din namin sa nakaraang Piña Festival sa Ormoc City na kung saan isa sa special guests na nag-perform sa isa sa activities nila ay si Seth Fedelin.
Halatang hindi siya nagla-live, na naka-minus one lang ito, dahil habang kumakanta, ngumunguya ng chewing gum.
Ang sabi ng ilang staff, sobrang na-overwhelm daw siguro si Seth sa laki ng stage na pagtatanghalan niya, at ang sobrang dami ng mga taong nanood kahit nag-uulan pa ito.
Alam ko ang Star Magic ay very particular sa ganun, dahil kahit mahal silang mag-charge sa mga out of town appearance, sulit naman ang performances. Walang attitude at sobrang napapasaya nila ang mga tao.
Ganundin ang Sparkle na karamihan sa talents nila ay talagang pinag-aralan kung ano ang gagawing sa stage.
Sa ilang taon kong pag-organize ng shows sa iba’t ibang probinsya, wala akong mairereklamo sa Kapamilya stars na naiimbitahan namin.
Ilan sa maipupuri naming hindi nag-a-attitude at sulit na sulit ang talent fee sa mga out of town appearance ay sina Kim Chiu, Enrique Gil, Ronnie Alonte, KZ Tandingan, Tom Rodriguez, Rocco Nacino, Ruru Madrid, Kylie Padilla, JC de Vera, Daniel Matsunaga, Aljur Abrenica, Jose Manalo and Wally Bayola, at Alden Richards.
Nadala ko sa Kabikulan si Alden nung kainitan ng AlDub, wala akong narinig na reklamo at kung anu-anong demands mula sa kanya pati sa handlers nito.
Nag-request kami ng isa pang appearance sa isang bayan sa Camarines Sur, kaagad na umokay dahil dadaanan naman bago dumating sa lugar na talagang pagtatanghalan niya.
Ang mahalaga para sa kanya ay mapasaya ang fans.
Si Rocco naman ay talagang effort ang bawat performance nito. Meron pa ‘yang pa-surprise na giveaways para sa fans. Kaya nakikita mo sa mga tao ang sobrang kasiyahan.
Ang iba nga hindi pa nila gaanong kilala, pero kapag nakita na nilang magaling silang mag-perform, napapasaya sila, hindi na sila nakakalimutan at inaabangan na nila ito sa TV shows nila.
Iyan ang trabaho ng mga artista, hindi lang basta mukha at appeal ang puhunan, kundi talent at performance.
Dapat na ma-train nang husto itong mga kabataang artista kung paano sila mag-behave at mag-perform sa harap ng maraming tao, lalo na sa malalayong lugar na bihira lang puntahan ng celebrities.
TVJ, HINAHANAP NG MGA PINOY SA IBANG BANSA!
Naghihimutok ang kaibigan naming si Tito Louie Alejandro na naka-base sa Phoenix, Arizona, USA nang idinagdag niya ang TV5 sa kanyang subscription.
Gusto lang daw niyang mapanood ang E.A.T. ng TVJ sa TV5, kaya okay lang daw na magdagdag siya ng $12.95 sa kanyang subscription.
Pero isang linggo pa lang ang subscription, pinatanggal na niya ito.
Napakalabo raw ng reception ng mga napapanood niya sa TV5. “I have to pay an extra $12.95 tapos ang reception ang labu-labo. Hindi katulad ng GMA, GMA Live TV at ABS-CBN, ANC na very sharp ang TV reception dahil high density ang gamit. I’m disappointed!”
Pinagtitiyagaan daw niya nung una dahil gusto lang talaga niyang panoorin sina Tito, Vic and Joey, pero ang blurred daw na parang nanonood daw siya ng lumang palabas.
Text pa niya sa akin, “Before dumating ang TV5, I’m paying $25.99 and this includes 2 DVR recorders, HD advance receiver para maging sharp ang mga shows. Pero kahit meron akong HD receiver, waley pa rin ang sharpness ng TV5 programs.”
Sana makarating sa TV5 ang mga ganitong concern.