SHOW-MY – Salve V. Asis – Pilipino Star Ngayon
August 12, 2023 | 12:00am
Nag-isyu ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), motu proprio, ng Notice to Appear at Testify sa Production Group ng noontime variety show E.A.T. hinggil sa pagmumura ng isa sa mga host ng programa na si Wally Bayola noong ika-10 ng Agosto 2023, na namataan ng MTRCB Monitoring and Inspection Unit.
Nilabag diumano ng naturang eksena ang Section 2 (B), Chapter IV of the Implementing Rules and Regulations of Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986).
Itinakda nila ang pagdinig sa ika-14 ng Agosto 2023, Lunes, sa MTRCB Offices sa Timog Avenue, Quezon City.
Ipinaalala rin ng MTRCB na anumang paglabag sa PD No. 1986 at sa mga Patakaran at Regulasyon nito na namamahala sa mga pelikula, mga programa sa telebisyon, at kaugnay na promotional materials nito ay parurusahan ng suspensyon o kanselasyon ng mga permiso at/o lisensya na inisyu ng Board at/o ng pagpapataw ng multa, at iba pang uri ng administratibong parusa.
Samantala, kaagad namang inamin ni Wally ang pagkakamali.
“Kasi ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako doon at ako po ay humihingi ng inyong paumanhin at pag-unawa ninyong lahat. Pasensya na po sa lahat,” pahayag ni Wally sa kanilangprograma bago natapos ang kanilang programa.
Hirit naman naman ni Jose : “Mas maganda ‘yung ganon. Hindi tayo nagmamatigasan. Hindi natin kailangan na ‘wala hindi ko sadya, hindi ko mali’ pero ang importante ‘yung humingi tayo ng kapatawaran. Muli po nandito po kami para humingi ng dispensa sa inyo. At makakaasa po kayo na hindi na po mauulit ang mga bagay na ito.”
Agad naman sumagot si Bossing Vic Sotto: “Salamat din kay Wally at humingi ng paumanhin, pagtanggap ng pagkakamali. Ang mahalaga kapag alam nating nagkamali eh dapat e itinatama natin agad, ganon lang.”